Sunday, February 26, 2006

latay

26 feb 2006



sinimulan ang paghagupit
malupit, masakit, mahapdi,
tumalsik ang dugo, ang laman,
sa sahig na bato, sa paligid na damuhan.

nakapikit, nakapinid na mga mata,
kagat-kagat ang labi,
upang ang sigaw na nakatago
ay di makahulagpis.

nakapinid na mata,
upang di makita,
ang pagbaba at paglatay
ng malupit na latigo.

ngunit di maisara ang tenga
sa mga impit na iyak at hagulgol,
sa mga sigaw at panunumbat
ng mga miron at kapwa kadugo.

habang unti-unti, nauupos
nakaluhod, nawalan ng malay, natumba
naghihingalo, naghihikahos na paghinga
nagnilay-nilay sa panahon kapagdaka.

masakit, mahapdi, di mula sa latay
kundi mula sa nagpariwara
pagluha na di mabilang, sugat na sariwa
kailan ko matatanggap na ako ay nalinlang
di kung sino lang, kungdi ng sariling
dugo ko at laman?



indio